Friday, October 8, 2010

NAGHAHANAP NG KAIBIGAN

NAGHAHANAP NG KAIBIGAN

            Si Celina ang bunso sa apat na magkakapatid. Ang mga kapatid niyang babae, sina Gina at Olivia ay mga guro at si Cesar, ang nag-iisang lalaki, ay nagtapos ng inhinyero noong Marso nang may karangalan. Labindalawang taong gulang si Celina, at ang agwat niya sa mga kapatid, ang dahilan ng kanyang pagkamalungkot.
            Alam niyang mahal siya ng lahat, ngunit pakiramdam niya’y wala siyang kaibigang mapagkakatiwalaan. Para sa kanya, si Mona ang maganda niyang manika, ang nag-iisang nakikinig sa kanyang mga kuwento na kinahihiligang gawin.
            Sila’y naninirahan malapit sa dagat. Maraming oras ang inilalagi sa dagat ni Celina at ng kaibigang si Mona. May isang kuwebang malapit sa dagat, at iniisip niyang ito’y tirahan ng mabait na dragon.
            Gustung-gusto niya ang eskwela dahil nasisiyahan siya sa kanilang mga leksiyon. Ngunit, siya’y napakamahiyain at tahimik upang makipagkaibigan. Nahihiya siyang sumali sa mga kamag-aral sa kanilang “maingay na laro”. Ito ang panawag ng kanilang guro dito. Isang araw, mamimili ang klase ng pinakamagaling na mananalaysay ng kuwento. Ang isang pamantayan ay nagsasabing dapat ang kuwento’y orihinal. Maraming sumali sa kompetisyong iyon, ngunit dalawa lamang ang napiling maging kahuli-hulihang kalahok. Napili si Celina dahil ikinuwento niya ang tungkol sa mabait na dragon, at ang isa’y si Emilia, isinalaysay niya ang kuwento ng mga pirata. Si Emilia’y matalinong babae, masayahin, at maraming kaibigan. Sa pagiging kabaliktaran niya, si Celina’y nahihiyang lumapit  kay Emilia, ang popular na babae sa paaralan.
            Dumating ang finals at halos lahat ay sumaksi sa huling tagisan ng dalawa. Pagkatapos ng kompetisyong iyon, bumabati ang lahat kay Emilia sa kahusayan ng kanyang kuwento.
            Nalungkot si Celina dahil wala ni isa ang pumuri sa kanya. Ibinalita niya sa kanyang pamilya na ang kanyang kuwento’y napiling isa sa pinakamagaling. Subalit ang sinabi lamang ng kanyang ate ay “Magaling Celina”, na wala sa kanilang loob.
            Ikatlo ng hapon, kinuha ni Celina si Mona papunta sa dagat. Dala’y timba at sinabi sa kaibigan ang nangyari sa paaralan.
            Pinakiusapan ng kanyang ina ang kanyang Kuya Cesar na siya’y samahan sa kuweba. Nakinig ang kanyang kuya sa mga kuwento niya, subalit nang makita ang mga kaibigan, sumama ito sa kanila’t iniwan siyang kasama si Mona.
            Sinabi ni Celina kay Mona na ang mabait na dragon ay gustong gumawa ng hardin ng kabibe. Kaya kailangan nilang kumuha ng maraming kabibe, magaganda at maliliit na mga bato at iba pang makikitang kayamanan ng dagat.
            Iniwan niya ang manika’t umalis upang maghanap ng mga kabibe at batong maliliit. Pinili niya ang magagandang kulay, gaya ng dilaw, rosas at lila. Kinuha rin niya ang maliliit na batong kulay puti.
            Bumalik sa kuweba’t ipinakita kay Mona ang nakuha. Humanga siya sa harding kanyang ginawa. Tinawag siya ng kanyang kuya sapagkat kailangan na nilang umuwi. Kagyat siyang lumakad sa bukana ng kuweba, para sa kanya’y ang tubig ay medyo malalim at siya’y aksidenteng nadulas.
            “Pumunta kana rito, makikita kang basang-basa ni inay at ako pa ang kanyang sisisihin at tayo’y mapapagalitan. Tayo nang umuwi. Paalam mga kaibigan, kami’y mauuna na.” Sabi ni Cesar.
            Tahimik at dahan-dahang pumasok sa bahay si Celina, ngunit siya’y nakita ng kapatid na babae at nagtanong. “Anong nangyari’t saan ka galing, Celina? Saan si Cesar?”
            “Maayos lang siya’t hayaan natin siyang makapagbihis,” sagot ni Cesar.
            Pinagalitan ng kanilang ina si Celina at agad itong pinapaligo. Matapos maligo’y kumain sila ng hapunan at siya’y pinatulog ni Gina, na nagbabasa ng kuwento sa kanya.
            “Oh, hindi! Naiwan ko sa kuweba si Mona!” sambit niya. Sinabi niya kay Gina kun papaano niya nagawa ang hardin habang si Mona’y tumitingin.
            “Kailangan kong bumalik sa kuweba’t kunin siya, Ate Gina!” hiyaw niya.
            “H’wag kang mag-alala. Matulog ka nang maaga upang bukas ng umaga’y kukunin natin siya, pinapangako ko!” sabi ni Gina.
            Noon din, siya’y nanalangin “Diyos ko! Pakiusap tulungan mo akong mahanap ang aking kaibigan!”
            Sabado nang sumunod na araw, humingi siya ng pahintulot sa kanyang ina na pumunta sa dagat. Ngunit ang sabi ng kanyang ina’y “Patawad, ika’y sasama sa akin upang mamili ng bagong pares ng sapatos sa plasa,”
            “Ngunit , kailangan kong hanapin si Mona, ngayon din!” pag-iyak niya.
            “Ako ang gagawa niyan para sa’yo, ‘yan ang pangako ko.” Sabi ni Gina.
            “pakiusap, ate!” pagmamakaawa ni Celina.
            Namili siya kasama ang ina kahit na nababahala. Hindi siya makapgbibigay ng atensyon sa kanilang ginagawa dahil siya’y nag-alala kay Mona.
            Umuwi sial nang maaga at nagtanong siya tungkol sa kanyang manika.
            “Patawad, Celina! Hinanap ko siya kung saan mo iniwan ngunit hidi ko nakita.
            Umulan nang malakas kagabi at maaaring ito’y inanod at napunta sa lugar na malayo sa’tin.” Paliwanag ni Gina.
            “Kaawa-awang, Mona! Kasalanan ko’to. Nakalimutan ko siya kagabi” sabi niya habang umiiyak.
            “Huwag kang mag-alala, Celina, may mga laruan ka pang malalaro,” pagtitiyak ng kanyang ina.
            “Ngunit nay, siya lamang ang kaibigan ko!” pagtatapat niya habang umiiyak.
            “Anong sinabi mo, Celina?” pagtatanong ng kanyang ina.
            “Wala akong kaibigan, si Mona lamang ang mayroon ako!” sagot niya.
            “Celina, alalahanin mong may mag kaklase ka” sabi ni Gina.
            “Hindi mo naiintindihan!” pahayag niya’t agad pumasok sa kuwarto’t umiiyak.
            Dumating ang Lunes. Siya’y malungkot na malungkot na pumasok sa paaralan. Habang nakikinig sa guro’y naaalala niya si Mona at tahimik na umiiyak. Humingi siya ng pahintulot na umalis, kinuha ang gamit at umiyak.
            “Celina, anong nangyari?” tanong ni Emilia.
Sinabi niya dito ang tungkol kay Mona at sa kuweba. Naging interesado si Emilia at nagtanong tungkol dito. Ang dalawa’y hindi naghiwalay hanggang sa uwian. Nagplano silang pumunta sa kuweba dahil ang kuwento ni Emilia’y patungkol dito.
            Nang gabi’y dumating, nasasabik siyang makita si Emilia. Sa pagkakataong ito, hindi na niya hinahanap-hanap si Mona.

No comments:

Post a Comment