May mga taong ipinanganak upang alagaan ang iba. Ang iba’y ipinanganak upang alagaan lamang ang kanilang sarili. Ang iba’y ipinanganak na pinagkaitan ng talento’t pamamaraan sa pagmamaneho ng kanilang buhay.
Namuhay na magkasama’t bawat isa’y umaalinsunod sa nakatakdang kapalaran. Ang kalagayang ito’y makikita sa mundo ng mga halaman kung saan may mga damong ligaw, palumpong, mga tanim na panghardin, matataas at maliliit na puno, mga baging at halamang gumagapang. Ang mga toreng asana sa ibabaw ng kagubatan, ang pinagkukunan ng inuming kanilang kailangan sa paglaki. Maraming mga dahong mahahaba ang nagsisilbing silungan ng magagandang begonia laban sa matinding sikat ng araw.
Kung sakali, ang tao’y magtagumpay sa pagsasagawa ng isang kaayusan, na maaari niyang maiayos ang iba’t ibang hugis ng buhay. Ngunit, ito’y unti-unting magbabalik sa likas nitong ayos.
Dahil ito’y nakatakda na’t likas na sa ating sarili.
Na ang ibang tao’y nabubuhay upang makapagbigay ng pag-asa sa iba.
Na ang ibang tao’y nabubuhay nang nakadepende sa iba.
Na ang ibang tao’y nabubuhay na hindi alam kung para saan.
Na ang ibang tao’y hindi alam na sila’y nabubuhay.
At sa harap ng malawakang kahirapan, kawalang hustisya, pagkapoot at kurapsiyon, magpahinga’t kalmahin ang sarili. Ang mga tao’y mga tao lamang na kumikilos kung papaano pinakikilos.
At kung may ilang konsolasyon man, alalahaning may ilang ipinanganak nang may malasakit sa iba, may malasakit sa ibang walang ganoong damdamin.
Alalaaning ang mga ilang yaon ay nanatili sa kanilang trabaho kahit na sa isang sandali’y parang walang kabuluhan ag pagsisikap nila. Ang mahalaga’y ginawa nila ang kanilang tungkulin.
No comments:
Post a Comment